Kahapon ay nabigla ako ng nabalitaan ko na may isa na namang bombang sumabog sa Lungsod ng Cotabato (tinatayang tatlong oras ang layo mula sa Kidapawan). Ito ay itinanim sa labas ng Katedral ng Immaculate Conception habang nasa kalagitnaan ng isang misa.
Ang pangyayaring ito ay kumitil sa buhay ng limang inosenteng sibilyan at sumugat sa napakaraming iba pa. Ito ba ay gawain ng isang taong nasa tamang pag-iisip? Bakit kailangan pa nilang mangdamay ng mga sibilyan kung talagang may mga bagay silang ipinaglalaban? Ano ba talaga ang layunin nila sa paggawa ng mga karumal-dumal na bagay na ito?
Mariin kong kinokondena ang pangyayaring ito. Isang maling paraan ng pakikipaglaban ang ipinakita ng mga taong sangkot dito. . . pakikibaka ng mga "duwag at traydor!"
Hindi maaayos ng paraang pananakot ang anumang gusot na mayroon sa ating lipunan. Kung tunay mang may mga adhikaing ipinaglalaban, bakit kailangan pang idamay ang buhay ng mga inosenteng tao na walang ibang hinangad kundi ang mabuhay ng payapa? Hindi ba ito maidadaan sa mapayapang pag-uusap?
Hindi rin natin pwedeng gawing isyu ang relihiyon sapagkat sa pagkakaalam ko ay nagkakaisa ang doktrina ng bawat relihiyon na ang mundo ay ginawa ng Diyos para pamuhayan ng lahat ng nilalang. Kung ganoon ay dapat matuto tayong makipamuhay sa ating kapwa. Maaaring mayroon tayong mga pagkakaiba subalit hindi ito sapat na dahilan para tayo ay magkagulo at magpatayan.
Patuloy nating ipanalangin ang kapayapaan 'di lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Ito na lamang marahil ang paraan upang maipaabot natin sa mga taong sangkot sa terorismo na "may bukas pa" at hindi dapat idaan sa dahas ang anumang pakikibakang kanilang isinusulong.
Isa lamang ako sa mga libu-libong taong nagnanais na magkaroon ng mapayapang buhay. Sana'y kaisa kita sa bagay na ito. Kung hindi ay muli kitang tatanungin, "tao ka ba o hayop?"
hi po.. kidapawanblogger here :-)
ReplyDeletehttp://richarddiongson.com
http://kidapawanbloggers.com